Rape slay suspect sumuko
MANILA, Philippines - Dala ng takot, isang rape slay suspect ang sumuko sa mga tauhan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) kamakalawa.
Si Rodel Alindahao ang pangunahing suspect sa panggagahasa at pagpatay kay Cristia Masbaño, 33, ng LPP junkshop na matatagpuan sa no. 213 Banlat Road, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod noong Huwebes ng alas-5 ng umaga.
Ayon kay Alindahao, natakot siyang ikulong ang kanyang kapatid kung kaya nagpasya na siyang sumuko sa mga awtoridad.
Matatandaang si Masbaño ay natagpuan ng kanyang kasamahan sa trabaho na si Jerry Sumbrano na naliligo sa sarili nitong dugo matapos na paluin ng matigas na bagay sa ulo. Wala ring saplot pang-ibaba ang biktima.
Sa panayam kay Alindahao, bagamat inamin nito na pinukpok niya ng martilyo ang biktima, sinabi din nito na aksidente ang nangyari dahil ayaw umano siyang palabasin ng kuwarto ng biktima.
Matapos ang pangyayari ay agad siyang tumakas at nagpunta sa may barkada niya sa Bulacan para magtago hanggang sa mabalitaan nito na huhulihin ng mga pulis ang kanyang kapatid na walang alam sa kanyang kasalanan.
- Latest
- Trending