MANILA, Philippines - Magsasagawa muli ng job fair ang pamahalaang lungsod ng Quezon upang maibsan ang dumaraming bilang ng walang trabaho sa lungsod.
Ang job fair na gaganapin sa Hunyo 25 (Biyernes) sa QC Hall grounds na magbibigay ng trabahong local at overseas ay inaasahang makapagbibigay ng tiyak na hanapbuhay sa mga residente ng siyudad, partikular sa mahihirap.
Ang programang panghanapbuhay ng lungsod ay bahagi ng patuloy na pagnanais ng administrasyon ni Mayor Feliciano Belmonte Jr. na mabigyan ng maayos na mapagkakakitaan ang mga mamamayan ng Quezon City lalo na ang maralita.
Inaasahang 40 lokal na korporasyon ang lalahok sa job fair kabilang na ang limang call center at 10 overseas recruitment agency, ayon kay Carlo Magno Abella, hepe ng Public Employment and Service Office (PESO) sa QC.
Ayon kay Fabella, inaasahang dadagsain ang job fair ng mahigit 2,500 aplikante mula sa iba’t ibang sektor ng siyudad.
Para sa local na trabaho, kasama ang Rustan’s, Toyota, Puregold, KFC, Henlin Foods, Wilcon Builders, Mang Inasal Chicken House, Tropical Hut at iba pang makikilahok.
Pinapayuhan ni Abella ang mga aplikante na magdala ng kaukulang dokumento upang mapadali ang pagpoproseso ng kanilang aplikasyon. Kabilang sa kakailanganin ang bio-data/resumé, ID photos, school records, SSS number at NBI at Barangay clearance.
Makikiisa sa trade fair ang TESDA, task Force Sikap-Buhay ng QC Hall, Nego-Eskuwela at SB Nego-Tech.
Sa ilalim ng administrasyong Belmonte, mahigit 75,000 residente ng lungsod ang nabiyayaan ng programang panghanapbuhay ng lungsod.
Sa kabuuan, aabot sa 74,028 na indibidwal ang nagkaroon ng lokal na hanapbuhay sa pamamagitan ng job fair na regular na ginagawa sa QC Hall at sa mga barangay ng lungsod.