MANILA, Philippines - Namatay sa saksak ang isang estudyante habang nasa kritikal na kondisyon naman ang nakababatang kapatid nito matapos pumalag ang una mula sa isang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng “akyat bahay gang” na nanloob sa kanilang bahay kahapon sa Caloocan City.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Quezon City General Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Jonalyn Yumul, 19, nakatira sa Bernabe Compound, Llano, ng lungsod na ito.
Inoobserbahan naman sa nasabing ospital ang kapatid nitong si Jovelyn, 17, sanhi rin ng mga saksak sa katawan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Police na naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling-araw sa loob ng bahay ng magkapatid.
Nabatid na nagising si Jonalyn dahil sa kaluskos na narinig nito at doon ay nakita nga niya ang suspect na naghahalungkat sa loob ng kanilang bahay.
Dito na nagsisigaw ang biktima para makahingi ng tulong dahilan naman upang pagsasaksakin siya ng suspect. Nagising naman si Jovelyn dahil sa komosyon kaya maging siya ay pinagbalingan ng saksak ng suspect.
Narinig ng ilang kapitbahay ang paghingi ng saklolo ng magkapatid at nang kanilang puntahan, tumambad ang duguang katawan ng mga ito.
Mabilis na isinugod sa nabanggit na pagamutan ang magkapatid, ngunit hindi na naisalba ang buhay ni Jonalyn.