MANILA, Philippines - Dalawang binata ang nasawi makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa lungsod ng Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Roberto Villanueva Jr., 19, binata ng Tabigo St., Brgy. Commonwealth sa lungsod. Samantalang nasawi naman habang isinusugod sa East Avenue Medical Center sanhi ng tama ng bala sa likod na naglagos sa dibdib si James Rosillosa, 17, binata, residente rin sa nasabing lugar.
Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspect dahil mabilis din umanong tumakas ang mga ito sakay ng walang plakang motorsiklo.
Sa ulat ni PO2 Norman Margallo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Maago St., corner Castillo St., Brgy. Commonwealth ganap na alas-11:20 ng gabi.
Bago ito, nakaistambay umano ang mga biktima sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo at paputukan ang mga una. Sa pinakawalang putok ng mga suspect ay agad na tinamaan sa ulo si Villanueva habang si Rosillosa ay nagawa pang makatakbo ng ilang hakbang mula dito pero hinabol siya ng mga suspect at binaril din.
Ayon kay Aling Maricar, residente sa lugar, nasa loob siya ng kanyang bahay nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa labas. Agad siyang lumabas at dito ay nakita niya ang dalawang biktima na duguang nakahandusay sa nasabing lugar.
Mabilis niyang ipinagbigay alam ang nakita sa barangay opisyal sa lugar kung saan nabatid na patay na si Villanueva, habang si Rosillosa naman ay isinugod pa ng mga barangay tanod sa EAMC hospital ngunit idineklara din itong patay.
Ayon sa ilang saksi, nakita nila ang dalawang kalalakihan sakay ng isang motorsiklo na papalayo sa lugar matapos ang nasabing putukan.