Seaman pumalag sa holdap, patay

MANILA, Philippines - Patay ang isang 50-anyos na seaman na dumayo lamang sa Maynila para sa seminar subalit nanlaban sa mga holdaper na riding in tandem sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.

Namatay habang ginagamot sa Os­pi­tal ng Maynila (OSMA) ang biktimang si  3rd mate  Engineer Edralin Amon, tubong Davao City at pansa­manta­lang nanunuluyan sa #2128 Singalong st., Malate, Maynila dahil sa isang tama ng bala sa sentido.

Nakita sa closed-cir­­cuit television (CCTV) na malapitang binaril si Amon, ng isa sa dala­wang hindi nakilalang lalaki na magka-ang­kas sa isang motorsik­long walang plaka.

Sa ulat ni Det. Jo­nathan Ruiz of the Manila Police District-Homicide section, inaga­wan ng alahas sa kata­wan ang bikima sa tapat ng Marian Tower sa #2129 Singalong St., Malate, Maynila da­kong alas-7:23 ng umaga kahapon.

Nabatid na lumabas lamang ng apartment ang biktima upang ma­nigarilyo nang big­lang sumulpot sa kan­yang tabi ang mga suspect at hinoldap.

Pumalag ang bik­tima at tumangging ibigay ang mga suot na kuwintas at relo kaya’t pinutukan siya ng isang suspect at ma­tapos mahablot ang kailangan ay mabilis na pinasibad ang mo­tor­siklo.

Nakita din sa footage ng CCTV na nag­tang­kang tumakbo upang makaiwas ang biktima.

Agad namang isinu­god sa pagamutan ang biktima ng mga naka­saksi sa insidente su­balit hindi na rin na­isalba ang buhay nito.

Nabatid na papasa­kay na ng barko ang bik­tima sa darating na Hunyo 30, kaya duma­dalo sa seafarers se­minar­.

Show comments