Seaman pumalag sa holdap, patay
MANILA, Philippines - Patay ang isang 50-anyos na seaman na dumayo lamang sa Maynila para sa seminar subalit nanlaban sa mga holdaper na riding in tandem sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.
Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Maynila (OSMA) ang biktimang si 3rd mate Engineer Edralin Amon, tubong Davao City at pansamantalang nanunuluyan sa #2128 Singalong st., Malate, Maynila dahil sa isang tama ng bala sa sentido.
Nakita sa closed-circuit television (CCTV) na malapitang binaril si Amon, ng isa sa dalawang hindi nakilalang lalaki na magka-angkas sa isang motorsiklong walang plaka.
Sa ulat ni Det. Jonathan Ruiz of the Manila Police District-Homicide section, inagawan ng alahas sa katawan ang bikima sa tapat ng Marian Tower sa #2129 Singalong St., Malate, Maynila dakong alas-7:23 ng umaga kahapon.
Nabatid na lumabas lamang ng apartment ang biktima upang manigarilyo nang biglang sumulpot sa kanyang tabi ang mga suspect at hinoldap.
Pumalag ang biktima at tumangging ibigay ang mga suot na kuwintas at relo kaya’t pinutukan siya ng isang suspect at matapos mahablot ang kailangan ay mabilis na pinasibad ang motorsiklo.
Nakita din sa footage ng CCTV na nagtangkang tumakbo upang makaiwas ang biktima.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima ng mga nakasaksi sa insidente subalit hindi na rin naisalba ang buhay nito.
Nabatid na papasakay na ng barko ang biktima sa darating na Hunyo 30, kaya dumadalo sa seafarers seminar.
- Latest
- Trending