Italian exec ng hotel patay sa ambush

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi nakila­lang hitman ang Italyanong manager ng restoran ng Shangri-La Hotel sa Makati City kahapon ng umaga.

Kinilala ni Makati police chief, Sr. Supt. Froilan Boni­facio ang biktima na si Sergio Mazza, 38, direktor ng “food and beverage section” ng na­turang hotel sa lungsod. Nasawi ito dahil sa tama ng bala sa ulo.

Sa inisyal na ulat ng Makati police, naganap ang pamamaslang pasado alas-7 ng umaga sa Dela Costa St.  malapit sa Perea St. sa Brgy. San Lorenzo, ng naturang lungsod.

Nabatid na naglalakad mag-isa ang biktima nang sunud-sunod na paputukan ng mga hindi nakilalang sus­pek. Narekober malapit sa bangkay ng biktima ang tat­long basyo ng bala ng kalibre .22 baril na ginamit sa krimen. 

Ibinasura ng pulisya ang anggulong panghoholdap ang ugat ng krimen dahil sa hindi naman ninakawan ang bik­tima kung saan maging ang dalang mamahaling cell­phone nito ay hindi tinangay ng mga salarin.

Blangko naman ang pu­lisya sa pagkakakilanlan sa mga suspek na hinihinalang mga bayarang “hitman”. Nag­hahanap pa ang mga imbes­tigador ng mga posibleng saksi sa krimen habang naka­takdang mag-imbestiga sa mga kasamahan nito sa trabaho at mga kakilala upang makakuha ng impormasyon para sa ikalulutas ng krimen.

Show comments