Tauhan ng junkshop ni-rape slay
MANILA, Philippines - Isang 33-anyos na dalaga na pinaniniwalaang ginahasa muna bago tuluyang pinaslang sa pamamagitan ng pagpalo ng matigas na bagay sa kanyang ulo ang natagpuang naliligo sa sarili nitong dugo sa tinutuluyan nitong barracks sa isang junkshop sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Wala nang saplot sa ibaba at nakalilis pa ang damit na indikasyon ng pang-aabuso nang matagpuan ang biktimang nakilalang si Cristia Macario Masbaño, ng LPP junkshop na matatagpuan sa #213 Banlat Road, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Ayon kay PO3 Greg Maramag ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police, wala pa silang natutukoy na suspect sa insidente maliban sa dalawang lalake na umano’y sinasabi ng kapatid ng biktima na posibleng may kinalaman sa insidente.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ni Maramag, nadiskubre ang bangkay ng biktima ng isang Jerry Sumbrano, tauhan rin ng nasabing junkshop, sa loob ng silid nito ganap na alas- 5 ng umaga.
Sa panayam kay Sumbrano, natuklasan niya ang biktima nang puntahan niya ito sa barracks para humingi ng asukal para sa kanyang tinimplang kape.
Sinabi nito, pagbukas pa lamang niya sa pintuan sa kuwarto ng biktima ay nagtaka na siya dahil madilim ang paligid, hanggang sa mamataan niyang nakalabas ang dalawang paa ng biktima mula sa kulambo.
“Tinapik-tapik ko po ung paa ni Ate Cris (biktima) sabi ko ate, ate, pero hindi sumasagot kaya pinilit ko na ring tignan at inalis ang nakatalukbong na kulambo sa kanya at don ko na po nakita na may dugo sa ulo niya kaya natakot ako at lumabas na ng kuwarto saka ipinaalam ko sa guwardiya,” sabi ni Sumbrano.
Inakala pa ni Sumbrano na nagpakamatay ang nasabing biktima, kaya agad nilang ipinagbigay alam ang insidente sa himpilan ng pulisya. Pinalalagay ng awtoridad na kilala ng biktima ang suspect at ginahasa muna ito bago tuluyang hampasin ng matigas na bagay sa ulo para patahimikin at maitago ang krimen.
Lumalabas na bago ang insidente, nakipag-tagayan pa ng alak sa dalawang kasamahan sa trabaho ang biktima at matapos ang inuman ay nagpasya na itong magtungo sa kanyang silid para matulog.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng CIDU sa nasabing insidente upang matukoy ang may kagagawan nito.
- Latest
- Trending