MANILA, Philippines - Naantala ang normal na operasyon ng line 1 ng Light Rail Transit (LRT) nang hindi sumara ang pintuan ng isang train sa Tayuman Station na naging sanhi ng pagka-stranded ng mga pasahero kahapon ng umaga.
Ayon kay Kristina Casion, hepe ng public information office ng Light Rail Transit Authority (LRTA) magiging madali sana ang pagkukumpuni ng pintuan kung nagsibaba lamang kaagad ang mga pasahero.
Hindi aniya puwedeng magkumpuni ang maintenance team ng LRTA ng kahit saan na lamang istasyon o lugar kung kaya’t nakadagdag sa pagka-antala ng biyahe ang pagtanggi ng mga pasaherong bumaba muna ng train.
Napag-alaman na pasado alas-8 ng umaga nang magsimulang magkaroon ng problema ang pintuan ng train kaya’t bumagal ng hanggang limang kilometro bawat oras ang takbo ng ilang mga kasunod pang train na patungong Monumento.
Tiniyak naman ng pamunuan ng LRTA na hindi naman palagian at “isolated cases” lamang ang nangyaring pagpalya ng sistema kaya’t makakaasa ang libu-libong pasaherong tumatangkilik sa pinakamabilis, pinakamura at pinakaligtas na uri ng pampublikong transportasyon na magiging maayos pa rin ang ibibigay nilang serbisyo.