Taxi driver tinodas ng adik
MANILA, Philippines - Patay agad ang isang taxi driver makaraang burdahan ng taga ang kanyang buong katawan ng isa sa dalawang bangag na lalaki sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Si Vicente Taroy, 49, driver ng JJPNB taxi at residente sa Purok 26, Peñafrancia Lupang, Antipolo City, ay agad na nasawi matapos na pagtatagain ng gulok ng isang alyas Rudy na di-umano’y notorious na drug addict sa lugar.
Kasama ni Rudy ang isang alyas Michael na pawang mga kilala sa lugar na nangongotong ng mga barker para pambili nila ng alak at droga.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may harap ng 7-11 convenience store na matatagpuan sa may kahabaan ng EDSA, corner Quezon Avenue, Brgy. South Triangle sa lungsod ganap na alas-3:10 ng madaling-araw.
Sinabi ng tinderang si Aling Thelma, nakatayo umano ang biktima sa nasabing lugar habang naghihintay ng kanyang pasahero nang dumating ang mga suspect. Nagpunta umano ang mga suspect sa lugar para maghanap ng barker na mahihingan ng pambili nila ng alak matapos na maubusan ang mga ito ng iniinom malapit sa naturang lugar.
Bago ito ay nagkaroon muna ng komprontasyon ang biktima at mga suspect. Dahil batid ng biktima na pawang mga lango sa droga ang mga suspect ay nagpasya itong humingi ng pasensya sa kanila. Umalis naman ang suspect na si Rudy at ilang sandali ay bumalik ito bitbit ang isang gulok at walang habas na pinagtataga sa katawan ang biktima.
Matapos ang pananaga ay mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng isang bisikleta patungong Panay Avenue.
Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspect.
- Latest
- Trending