MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng PNP-Anti-Illegal Drug Special Operation Task Force (AID-SOTF) ang isang intelligence operative ng Aviation Security Group (AVSEGROUP) makaraan makumpiskahan ito ng 4 na kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P20-M sa isinagawang drug-bust operation sa Pasig City nitong Martes ng gabi, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ang naarestong suspect na si SPO1 Alexander Palara Estabillo, nakatalaga sa AVSEGROUP at residente ng Mayapis St., San Antonio Village, Makati City.
Sa isinumiteng report ni Supt. Ismael Fajardo, AID-SOTF, SOU (Special Operations Unit)-3, dakong alas- 11:15 ng gabi nang isagawa ang buy-bust operation sa tapat ng isang drug store sa Las Fiestas Drive Frontera Verde, Brgy. Ugong sa lungsod ng Pasig.
Bago ang pagkakadakip sa suspect ay nagsagawa ng masusing surveillance operations ang PNP-AIDSOTF operatives laban sa illegal nitong aktibidad.
Nasorpresa naman ang suspect sa raid na nagtangkang tumakas pero naging maagap ang mga operatiba at agad itong pinosasan.
Nakumpiska sa suspect ang 4 kilo ng cocaine na tinatayang may katumbas na halagang P20 milyon, 1 Glock 17, 2 magazine, paper bag na naglalaman ng boodle money na nagkakalaga ng P6 milyon.
Ang suspect ay dinala sa Camp Crame at isinailalim sa masusing imbestigasyon habang dinala ang nasamsam na mga ilegal na droga sa PNP-Crime Laboratory upang maisailalim sa pagsusuri.
Naghihinala naman ang mga awtoridad na ang nakumpiskang cocaine sa suspect ay kabilang sa 2 toneladang droga na itinapon ng mga tripulanteng Chinese sa karagatan ng Samar noong Disyembre 2009.
Patuloy naman ang pinalakas na anti-drug operations ng PNP sa iba’t ibang bahagi ng bansa.