MANILA, Philippines - Matapos na makipag-away sa kanyang misis, patay ang isang sarhento ng Philippine Army (PA) makaraang masagasaan at makaladkad ng isang itim na van habang tumatawid sa madilim na kalsada sa loob ng Fort Bonifacio sa Taguig City, kahapon ng madaling-araw. Basag ang bungo at bali-bali ang mga buto ng biktimang si T/Sgt. Domingo Dimorong, 50, ng Army Support Command sa Fort Bonifacio habang nakatakas naman ang driver ng van na hindi rin naplakahan.
Sa ulat ng Taguig police, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa Lawton Ave. sa loob ng kampo. Tila wala umano sa sarili ang biktima na naglala kad nang mabundol ng rumaragasang van at nakaladkad pa ng may 20 metro ang layo.
Nabatid na bago naganap ang insidente ay nagkaroon ng pag-aaway ang biktima at misis nito hanggang sa ipasya na lamang ng una na umalis ng bahay upang magpahangin.
Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya upang malaman kung sino ang salarin bagamat nananawagan na ring sumuko na upang agad na malutas ang kaso.