MANILA, Philippines - Personal na nag-ikot ang mga opisyales ng Department of Education(DepEd) sa mga paaralan sa Quezon City kahapon ng umaga sa pangunguna ni Secretary Mona Valisno upang matiyak na maayos ang sitwasyon ng mga mag-aaral sa unang araw ng pasukan ng mga estudyante nitong Lunes.
Kaugnay nito, sinabi ni Secretary Valisno na dumalaw sa Don Alejandro Roces High School sa Bgy. Roxas District, QC, walang dahilan ang mga guro na magprotesta para igiit ang pagtataas sa kanilang sahod at mas mainam na gawin na lamang ang kanilang mga tungkulin sa mga mag-aaral.
Binigyang diin ni Valisno na ipatutupad aniya sa susunod na buwan ng Hulyo ang dagdag sahod ng mga guro sa mga public schools bukod pa sa P200 initial allowances.
Sa ngayon ay umaabot sa P14,198 ang sahod ng bawat guro at magiging P16, 189 sa susunod na buwan.
Kaugnay nito, inanunsiyo din ni Valisno na tutulong din ang pamahalaan sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagkakaloob ng financial assistance na P10,000 kada estudyante sa mga probinsiya at P5,000 kada mag-aaral sa Metro Manila.
Ilang mga paaralan naman sa QC tulad ng sa Bagong Silangan ang halos may 100 mag-aaral sa isang klase na iisa lamang ang guro at ang iba pang mga paaralan ay limang oras lamang ang pasok ng mga estudyante upang maipatupad ang shifting ng klase dahil sa dami ng mga mag-aaral na pumasok ngayong pasukan.
Una nang nagbanta ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na sasalubungin ang unang araw ng klase para igiit sa pamahalaang Aquino na resolbahin ang mga problemang di nasolosyunan ng pamahalaang Arroyo tulad ng kakulangan sa mga guro, silid aralan, libro at pagtataas ng sahod sa mga guro upang mapa husay ang kalidad ng edukasyon sa bansa.