MANILA, Philippines - Sinadya at paghihiganti.
Ito ang nakikita na motibo ng mga bagong halal na opisyal ng Marikina City sa mga nakaupong konsehal matapos nilang ipasa ang resolution na nagbibigay ng 50 percent na discount sa real property taxes para mapilay ang administration ni Mayor elect Del de Guzman.
Ayon kay Vice Mayor elect Fabian Cadiz, dahil sa dami ng mga kontrobersyal na resolution na ipinasa ng mga konsehal na natalo noong May elections at kaalyado ni Mayor Marides Fernando, maaaring malugi ng P300 million ang kaban ng siyudad sa darating na mga taon.
Kasama sa mga pinasang resolution ay ang pagbigay ng 50 porsiyentong discount real property taxes hanggang 2013, ang tax holiday sa limang pinapaborang kompanya at ang 50 porsiyento ring discount sa garbage fees ng malalaking establisimento.
“It is plain and simple politics designed to protect their own interests while crippling the incoming officials with less revenue for much needed social services,” paliwanag ni Cadiz.
Nagulat sina De Guzman at Cadiz kung bakit hanggang 2013 ang pagbigay ng 50 percent discount sa buwis ng real property samantalang pwede namang sila na ang gumawa ng mga bagong resolution para matulungan ang mga nasalanta ng bagyong Ondoy noon isang taon.
Dagdag pa ni Cadiz, dapat lang tanggapin ni Fernado at ng kanyang mga alipores ang kanilang pagkatalo sa eleksyon dahil ang tao ang naghusga at huwag naman agad gumanti para lang pahirapan ang liderato ni De Guzman.