MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang matinding galit ang dahilan ng isang boarder kaya nito ibinaon ang ice pick sa mata ng isang fruit vendor na nasawi bago pa man maisugod sa pagamutan sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawing biktima na si John Melo Villareal ng Block 1 Gasangan, Baseco Compound, Port Area, dahil sa tinamong saksak sa katawan at sa mata.
Bukod sa sinasabing boarder ng biktima na si Lito Rapa, dalawa pang suspect na kasamahan nito ang pinaghahanap ng pulisya. Ayon sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng nasawi.
Nag-iinuman umano ang biktima at ilang kabarkada nito sa loob ng kanyang bahay nang sa di-kalayuan ay nakikipag-inuman din ang boarder/suspect na si Rapa sa dalawa niyang kaibigan.
Sa hindi mabatid na dahilan ay sumugod si Rapa sa bahay ng biktima at naghamon ng away kaya nilabas ito ni Villareal na agad namang sinalubong ng mga saksak sa katawan ng dalawang kasamahan ng una, habang si Rapa naman ay bumunot pa ng ice pick at tinusok sa mata ang biktima bago nagsitakas. Naiwang nakabaon pa ang ice pick sa mata ng biktima nang isinugod ito sa pagamutan ng mga kaibigan pero hindi na naisalba ang buhay.