MANILA, Philippines - Pinosasan muna bago tuluyang pagbabarilin at saksakin ng magkapatid ang isang construction worker na agad nitong ikinasawi sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ni Chief Inspector Benjamin Elenzano, hepe ng homicide Investigation section ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na si Bernie Fajardo, 31, ng Sitio Pajo, Area 5, Brgy. Baesa, sa lungsod.
Ayon kay Elenzano, si Fajardo ay nagtamo ng mga tama ng bala at mga saksak sa katawan sa naturang insidente na naganap dakong alas-5:20 ng umaga sa kahabaan ng Sitio Pajo sa Brgy. Baesa.
Ang biktima ay nagawa pang isugod ng kanyang pinsang si Wilbert Fajardo sa Quezon City General Hospital (QCGH) pero nasawi din habang nilalapatan ng lunas ng mga doktor.
Sinabi ni PO3 Jaime Jimena, may-hawak ng kaso, bago tuluyang malagutan ng hininga, nagawa pang masabi ng nasawi sa kanyang mga kaanak kung sino ang may kagagawan sa krimen at binanggit nito ang magkapatid na sina Steve at Valentin Reyes, kapwa residente sa Block 5 Lot 13 Asamba Compound, Brgy. Baesa.
Nabatid ni Jimena na si Fajardo ay nagtatrabaho sa construction site sa bahay ng biyenan ni Valentin.
Samantala, bago ang krimen, nagsampa umano ng reklamo sa barangay ang magkapatid nitong June 10 matapos na akusahan nila ang biktima na nagnakaw ng bakal na ginagamit sa construction.
Subalit, agad namang naayos ang reklamo sa barangay pero hindi na pinayagan pa si Fajardo na makabalik pa sa kanyang trabaho.
Sa kanyang huling pananalita, sinabi ng biktima na naglalakad siya sa may kahabaan ng Sitio Pajo nang sumulpot ang magkapatid at kinausap siya hanggang bigla na lamang siyang posasan ng mga ito at pagsasaksakin.
Hindi pa nakuntento, isa sa mga suspects ang nagbunot ng baril at pinagbabaril ang biktima.
Matapos nito ay mabilis na tumakas ang mga suspect, habang si Fajardo naman ay nakita ng kanyang pinsan at itinakbo sa nasabing ospital.
Tinutugis na ng awtoridad ang nasabing mga suspect upang sagutin ang nasabing alegasyon.