Pumito kapag may krimen: Estudyante sa Metro Manila 'aarmasan'
MANILA, Philippines - Sinimulan na kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pamamahagi ng libu-libong mga pito sa mga estudyante na magagamit ng mga ito laban sa masasamang elemento kaugnay ng pagbubukas ng klase ngayong araw (Hunyo 15).
Sa panayam ng PNP Press Corps kay NCRPO Spokesman Supt. Rommel Miranda, ang pamumudmod ng mga pito sa mga estudyante ay bilang bahagi ng pinalakas na anti-criminality drive ng kapulisan sa Metro Manila.
“For students, we will be distributing whistles,” ani Miranda sa pamumudmod ng mga pito ng NCRPO mula sa mga donasyon ng Non Government Organizations (NGOs).
“NAPOLCOM has been distributing already. We have distributed in some schools, we will continue tomorrow (June 15) up to the end of the first week of school classes. It came from us (NCRPO) and from some civilian organizations,” ani pa ni Miranda.
Nauna nang inihayag ni NCRPO Chief Director Roberto Rosales na magde-deploy sila ng 8,000 pulis sa mga university belt at iba pang lugar habang isinailalim na rin sa full alert status ang puwersa ng pulisya sa Metro Manila sa nasabing Oplan Balik Eskwela.
Ayon kay Miranda sa pamamagitan ng mga pito ay maaaring matulungan ng mga testigo ang mga poten syal na biktima ng masasamang elemento sa pamamagitan ng pagpito para makaagaw ng atensyon.
Inihayag nito na ang pito ay isang epektibong paraan para mabilis na makasaklolo ang mga awtoridad na magpapatrulya sa bisinidad ng mga paaralan.
Ayon kay Miranda hindi lamang sila basta mamimigay ng mga pito kundi babahaginan rin nila ng impormasyon ang mga estudyante kung paano makakaiwas at makakatulong sa pagsawata ng kriminalidad.
- Latest
- Trending