MANILA, Philippines - Tiniyak ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Jimmy Pesigan na malabo pa na ng pagtataas sa pasahe ngayon pasukan hanggang sa susunod na buwan ng Hulyo.
Ang paniniyak ay ginawa ni Pesigan sa ginanap na pulong Balitaan sa Dapitan kasabay ng pahayag na inatasan pa lamang nila ang mga transport group na magsumite ng kani-kanilang petisyon.
Ayon kay Pesigan, kailangan na dumaan sa proseso ang pagpapatupad ng fare hike kung saan kailangan ang petisyon, posisyon at pagtatakda ng pagdinig, bago magkaroon ng panibagong rate.
Nauna ng hiniling ng ilang transport sector na magdadagdag ng P.50 sentimong pagtaas sa pasahe sa lahat ng pampublikong sasakyan dahil na rin sa patuloy na pagtaas sa presyo ng diesel.
Pinaalalahanan din ni Pesigan ang lahat ng mga school bus sa kanilang pagbiyahe na tiyakin na mayroong medical kit at fire extinguisher para sa proteksiyon ng mga estudyante.
Minomonitor na rin nila ang mga kolorum na school bus na umano’y pa nganib din sa mga estudyante.