Mag-asawa tiklo sa P5-M cocaine
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P5 milyon ang halaga ng 1 kilong cocaine na nakuha ng mga tauhan ng Caloocan City police station anti-illegal drug unit mula sa isang mag-asawa sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City.
Kinilala ni C/Insp. Bartolome Tarnate ang mga suspect na sina Mary, 35 at Reynaldo Bernas, 43 kapwa residente ng Limay, Bataan.
Ang operasyon ay isinagawa ng magkasanib puwersa ng Caloocan police at Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF).
Ayon kay Tarnate, nakalagay sa dalawang plastic bag ang pinaniniwalaang cocaine na nagkakahalaga ng P5 milyon subalit ibinebenta lamang ng mag-asawa sa halagang P2 milyon.
Nabatid na dakong alas-8:45 ng gabi nang maaresto ang mag-asawa sa Samson Road kung saan nakatakdang makipagkita ang mga suspect sa police agent.
Bago ang operasyon ay nadakip ang isang Patrick Etong sa San Juan na sangkot din sa bentahan ng droga at nagturo sa mag-asawang Bernas.
Giit pa ni Tarnate, mabilis naman nilang napaniwala ang mag-asawa hanggang sa isagawa ang bentahan.
Ang mga suspect ay kasalukuyang nakakulong sa AIDSOTF.
- Latest
- Trending