Iligal na nag-operate ng online gaming: Korean national ipinatapon ng BI
MANILA, Philippines - Ipinatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national matapos na mahuli habang nasa aktong nag- ooperate ng isang online gaming sa Las Piñas City.
Sa ulat na ipinarating kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan ni BI deportation unit Chief Antonio Rivera kinilala nito ang suspek na si Kwon Joong Teak.
Si Teak ay pina-deport noong Hunyo 10 pabalik sa Pusan, South Korea sakay ng Philippine Airlines.
Pinatapon si Teak sa bisa ng summary deportation order na inisyu ng Board of Commissioner at pinagmumulta ng halagang P50,000 at paglalagay din dito sa immigration blacklist.
“Let this serve as a warning to other foreigners illegally engaged in gainful activity. Get a working visa or you will be deported,” ayon kay Libanan.
Inatasan din ni Libanan ang limang Immigration area offices (IAOs) sa Metro Manila at kalapit na siyudad sa buong bansa na manmanan ang kanilang mga nasasakupan upang maaresto ang mga dayuhang illegal na nagtatrabaho sa bansa.
Hinikayat din ni Libanan ang publiko na kaagad ireport sa malapit na BI field office ang illegal na aktibidad ng mga dayuhan lumalabag sa immigration.
Si Kwon ay naaresto noong Marso 29 ng mga operatiba ng Immigration Area office-NCR
South sa bahay nito Guada Sanchez Street, BF Resort, Las Piñas City habang nasa aktong nag-ooperate ng internet gaming shop ng walang kaukalang permiso mula sa BI.
- Latest
- Trending