MANILA, Philippines - Matinding monitoring ang ginagawa ng Quezon City government sa may 2,000 pamilya na naninirahan sa mga flood-prone at mga high-risk areas upang maibsan ang anumang pinsalang ihahatid sa kanila ng kalamidad tulad ng pagkakaroon ng flashfloods ngayong tag-ulan.
Ayon sa report ng disaster control division ng QC Department of Public Order and Safety (DPOS), ang mga pamilyang ito ay mga naninirahan sa ilalim ng tulay at malalapit sa tabing ilog sa may Ibayo area malapit sa Bagbag creek, Culiat Bridge II sa Brgy. Bahay-Toro, Binhi ni Abraham area sa Brgy. Bagong Silangan, Dario bridge sa Brgy. Masambong, Culiat Bridge IV sa may Mindanao Avenue at mga brgy. malapit sa Tullahan river kasama na ang Sta. Lucia, Sta. Monica, North Fairview at West Fairview .
Ayon sa DPOS, sa Ibayo pa lamang halos may 800 pamilya ang naninirahan sa danger zone kahit na ang Bagbag creek ay prone sa flashfloods.
Sa utos ni QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr., ang ibat ibang ahensiya ng QC hall ay patuloy na nagsasagawa ng kampanya upang maprotektahan ang mga residente nito laban sa natural at man-made calamities tulad ng bagyo, pagbaha, lindol, erosions at landslides upang maprotektahan ang buhay ng mamamayan.