Holdaper sa jeep, todas sa secret marshal
MANILA, Philippines - Nakapuntos na ang ikinalat na secret marshals ng Manila Police District (MPD) sa mga lugar na madalas maganap ang holdapan makaraang mapatay ang isa sa tatlong suspect sa bigong panghoholdap sa mga pasahero, kahapon ng madaling-araw, sa Sta. Cruz, Maynila.
Inaalam pa ang pagkikilanlan ng nasawing holdaper, na inilarawan sa edad na 30 hanggang 40, may taas na 5’4 hanggang 5’5; may mga tattoo kabilang ang “Batang City Jail” at “Popoy” sa kanang hita at dibdib.
Mabilis na nakatakas ang dalawa pang lalaking suspect na magka-angkas sa walang plakang motorsiklo, habang narekober naman ang dalawang paltik na kalibre .38 baril na hinihinalang gamit ng mga suspect.
Nabatid kay Supt. James Afalla, hepe ng MPD-Station 3, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw, sa panulukan ng Tayuman at Severino sts., Sta. Cruz, Maynila.
Sa pahayag ng pasaherong si April Novelas, dalawa sa tatlong suspect ang sumakay ng kinalululanan niyang biyaheng Tayuman-Herbosa (NWV-727), at umupo sa dulong bahagi ang isa at tinutukan umano ang isang pasahero ng baril, habang ang isa pa ay may hawak ding baril at kinukolekta ang mga dalang cellphone at gamit ng pasahero.
Habang mabilis ang mga pangyayari, dalawang pulis na nakasuot sibilyan ang magkasamang nakasakay sa dyip, isa ang nasa dulong bahagi at katapat ng isang suspect ang bumunot ng kaniyang baril at agad na pinutukan ang isa.
Mabilis namang tumalon ang isa pang suspect, na nakita na lamang na sumakay sa nakabuntot na motorsiklong walang plaka.
Naiwan sa dyip ang duguang suspect at dalawang baril na parehong fully-loaded ng bala habang isinugod ng isang secret marshal sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang suspect, kung saan idineklarang patay ilang minuto matapos dalhin doon.
Habang nasa dyip ang dalawang pulis, sinabi nila na pauwi na sila ng bahay nang pareho silang sumakay sa pampasaherong dyip at nagkataon lamang na naka-engkwentro ang mga armadong holdaper.
- Latest
- Trending