MANILA, Philippines - Doble kamalasan ang inabot ng isang 52-anyos na mister matapos na masaksak at pagkatapos ay nabundol pa ng isang tricycle na siyang dahilan upang bawian ito ng buhay sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Si Pablo Tumapat, may-asawa ng Don Enrique Subdivision, Brgy Captain Nova, sa lungsod ay nasawi sa Quezon City General Hospital bunga ng saksak sa likod at dibdib at pagkabasag naman ng ulo nito dahil sa pagkakabangga ng isang tricycle.
Ang driver ng tricycle na si Limuel Tindoy, 41, ng Sampaloc St., Bagumbong, Caloocan City ay nasa kustodiya naman ng Traffic Sector 2 ng Quezon City Police.
Sa ulat ni PO3 Ferdinand Pagkalinawan ng TS-2, nangyari ang insidente sa kahabaan ng General Luis corner Don Enrique Subdivision, Brgy. Nagkaisang Nayon ganap na alas-6 ng umaga.
Diumano, habang tinatahak ng suspect sakay ng pinapasada niyang tricycle (UX-1199) ang lugar nang bigla na lamang sumulpot ang biktima papatawid sa lugar at mabundol ito.
Nang bumuwal ang biktima, mabilis na tinulungan ito ng driver at isinakay sa kanyang tricycle saka dinala sa QCPH kung saan napag-alaman na may saksak ito sa katawan.
Tinangka pang isalba ng mga doktor ang biktima, ngunit makalipas ang halos dalawang oras na gamutan ay tuluyang ideklara itong patay.
Ayon sa pulisya, posibleng naging biktima muna ng pagnanaksak si Tumapat, at tumatakas ito kung kaya huma hangos na tumatakbo, bago nabundol naman ng tricycle.
Pansamantala, ayon sa imbestigador, kasong reckless imprudence resulting in homicide ang isinampa nila laban sa driver.