MANILA, Philippines - Tinupok ng apoy ang Palma Hall Pavilion II sa University of the Philippines (UP)-Institute of Chemistry sa Diliman kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City fire marshall Sr. Supt. Bobby Baruela, dakong alas 11 ng gabi nang sumiklab ang apoy at masunog ang nasabing gusali kung saan naroon ang organic chemistry at biochemistry laboratories.
Sinubukan pang apulahin ng guwardiya ang apoy sa pamamagitan ng paggamit ng fire extinguisher ngunit hindi rin ito umubra sa nangangalit na apoy.
Posibleng ang sari-saring kemikal umano na nasa lugar ang nagpalaki ng apoy kung kaya nahirapan din ang mga pamatay sunog na maapula ito.
Bago maganap ang sunog, lumilitaw na may nakita pang mga tao sa loob ng laboratoryo na nagsasagawa ng reseach ganap na alas-9:45 ng gabi kung saan hinala niya na may naiwan ang mga itong kemikal na nakapag-trigger ng apoy. Kinailangan pa ng bumbero na haluan ng kemikal ang tubig para tuluyang maapula ang apoy ganap na ala 1 ng madaling-araw.
Ayon kay UP College of Science Secretary Evangeline Amor, ito ang unang pagkakataon na nasunog ang naturang gusali sa maraming taong pagkakatayo nito.
Dahil sa pangyayari, ilang klase sa Pavilion ang sinuspinde ng pamunuan ng UP. Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan sa sunog habang inaalam pa ang tunay na ugat ng sunog at halaga ng napinsala rito.