MANILA, Philippines - Bangkay na nang bumulagta ang isang sinasabing labas-pasok sa kulungan na holdaper makaraang tamaan ng bala sa ulo habang nakikipagbarilan sa mga pulis kahapon ng tanghali sa Pasay City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Allan Edward Ferrer, 27, alyas “Bunso”, at naninirahan sa Dominga St., Pasay City. Nakatakas naman ang hindi pa nakikilalang kasamahan nito.
Sa ulat ng Pasay police, unang namataan ang mga suspect sakay ng isang van na paikut-ikot sa may Gil Puyat Avenue sa Makati City dahilan upang magduda ang mga opisyal ng barangay.
Iniulat naman ito sa pulisya na nagpalabas ng alarma laban sa mga suspect.
Dakong alas-11:45 ng tanghali nang matiyempuhan ng mga tauhan ng Makati Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Force ang mga suspect na nagpapalit ng gulong sa may kanto ng Dominga at Villa Barbara Sts., sa boundary ng Makati at Pasay City. Nang sitahin ng mga pulis, agad na nagtatakbo ang mga suspect sa bahagi ng Pasay City. Nasukol naman si Ferrer na umano’y nanlaban at bumaril sa mga pulis sanhi upang gumanti ang mga alagad ng batas na nagresulta naman ng kamatayan nito.
Nakuha sa tabi ng bangkay ng suspect ang kalibre .45 baril na ginamit nito sa pakikipagbarilan.
Lumilitaw rin sa pagsisiyasat na karnap ang van na dala ng mga suspect na pag-aari ng isang negosyante sa Arayat, Pampanga.