Wanted sa murder, arestado
MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 18-anyos na binata na wanted sa kasong murder nang inguso ng kapitbahay ang pagbabalik niya sa lugar matapos ang mahigit isang taong pagtatago, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Manila Regional Trial Court, Branch 5, Judge Amor Reyes, inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District-Warrant Section ang suspect/akusadong si Patrick Serrano, ng #1612 Concha Sevilla St., Tondo sa pamamaslang sa isang Narciso Caballera, 18, noong Enero 9, 2009 sa Peñalosa St., Tondo.
Agad umanong nagtungo ang mga pulis sa lugar ng suspect at naabutan itong kampante na naglalakad kaya binitbit ito sa MPD headquarters.
Sa rekord, napatay ni Serrano si Caballera noong Enero 2009 nang abangan umano at walang sabi-sabing barilin na ikinasawi nito.
Dahil sa inakala umano ni Serrano na hindi na umuusad ang kaso laban sa kanya, umuwi ito ng kanyang tahanan subalit may nagbigay ng impormasyon sa pulisya na namataan muli siya sa lugar.
- Latest
- Trending