FBI kinilala ang BI
MANILA, Philippines - Pinapurihan ng gobyerno ng Amerika ang Bureau of Immigration (BI) dahil sa patuloy na pagdakip nito sa mga puganteng Kano na nagtatago sa bansa. Ito ay matapos na tumanggap ng plake ng pagkilala si Immigration Commissioner Marcelino Libanan mula sa Federal Bureau of Investigation (FBI) kung saan nagpapasalamat ang gobyerno ng Amerika sa kampanya ng BI na humuli ng mga puganteng Kano.
Ang nasabing plake ay may pirma ni Washington, DC FBI Director Robert Mueller III at iniabot kay Libanan ng delegasyon mula sa US embassy sa pangunguna ni legal attaché James Nixon at ng aide nito na si John Sapinoso.
Kinilala din ni Mueller ang iba pang opisyal ng BI kabilang sina Atty. Floro Balato Jr., BI-Interpol unit chief; deputy Atty. Antonio Rivera; at unit operatives Atty. Rommel Tacorda at Manny Adao.
Pinasalamatan naman ni Libanan ang gobyerno ng Amerika dahil sa pagkilala nito sa kontribusyon ng BI sa kanilang kampanya laban sa mga puganteng Kano.
Ayon naman kay BI spokesman Balato, sa kasalukuyan ay umaabot na sa 20 puganteng Kano ang kanilang naaresto simula ng maitatag ang BI-Interpol noong nakaraang taon.
- Latest
- Trending