MANILA, Philippines - Patay ang isang technician makaraang paulanan ng bala sa katawan ng tatlong kalalakihang nakasuot ng bonnet na pinaniniwalaang nag-ugat sa onsehan sa droga sa lungsod Quezon kamakalawa.
Tadtad ng bala sa katawan ang biktimang si Rogelio Lamayo, 42, electronic technician ng Riverside St., Brgy. Commonwealth, ng nasabing lungsod.
Ayon sa pulisya, droga ang tinitignan nilang dahilan sa pagpatay sa biktima dahil marami sa mga residente ang nagsabi, ngunit natatakot lamang tumestigo sa takot na sila naman ang balikan ng mga suspect.
Sa pagsisiyasat ng scene of the crime operative (SOCO), narekober sa lugar ang 13 basyo ng bala at dalawang piraso ng deformed slugs buhat sa kalibre 45 baril; dalawang piraso ng deformed slugs ng kalibre 380 na ginamit ng mga salarin.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa harap ng tin dahan sa Sto Rosario St., corner Riverside St., ng nasabing barangay ganap na alas- 8:05 ng gabi.
Nakatayo umano ang biktima sa harap ng kanyang tindahan nang lapitan ito ng dalawang kalalakihang nakasuot ng bonnet saka walang habas na pinagbabaril ito sa katawan.
Matapos ang pamamaril, kinapkapan pa umano ng mga suspect ang bulsa ng biktima na tila may hinahanap bago umalis patungo sa isang naghihintay nilang kasamahan na may dalang motorsiklo at nagsipagtakas.
Ayon sa isang testigo, bago tuluyang umalis, kinasa pa ng mga suspect ang kanilang baril, para panakot at hindi sila sundan sa kanilang pagtakas.
Ayon naman sa asawa ng biktima, wala umano siyang nalalaman na kaaway ang asawa dahil hindi rin umano ito nasangkot sa anumang krimen para patayin ito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang mga suspect at tunay na motibo ng nasabing pamamaril.