MANILA, Philippines - Muling nalampasan ng Port of Manila ang collection target nito para sa buwan ng Mayo.
Ayon sa report ng Financial Service ng Bureau of Customs, nakakolekta ang Port of Manila sa pangunguna ni District Collector Atty. Rogel Gatchalian ng P4.39 bilyon bukod pa ang non-cash collections noong nakaraang buwan. Ito ay lampas ng P174 milyon sa target collection ng Port of Manila, ang pangalawang pinakamalaking port sa bansa base sa revenue collection.
Ito na ang ikalimang magkakasunod na buwan na nalampasan ni Gatchalian, nagsimulang maging district collector ng Port of Manila noong nakaraang Nobyembre lamang, ang kanyang collection target.
Base pa rin sa report ng Financial Service, ang Port of Manila ang nagtala ng pinakamataas na surplus collection sa 17 collection districts ng Customs sa taong ito. Nakakolekta na ang Port of Manila ng kabuuang P21.8 bilyon habang ang target lamang nito ay P16.6 bilyon, na nangangahulugan ng P5.2 bilyon na surplus.
Halos ang Port of Manila lamang ang kumayod nang todo-todo sa taong ito dahil ang P5.2 bilyon ay 87 porsiyento ng kabuuang collection surplus ng BOC mula Enero hanggang Mayo.
Malaki ang iginanda ng performance ng Port of Manila simula ng maitalaga ang abogado at engineer na si Gatchalian, na siya ring pinakabatang Customs collector sa kasalukuyan, dahil sa mga ipinatupad niyang mga bagong istratehiya.