4 miyembro ng bolt cutter gang, timbog
MANILA, Philippines - Apat na miyembro ng bolt cutter gang ang nasakote ng pulisya makaraang mabangga ang kanilang ginamit na sasakyan sa pangungulimbat sa isang internet shop sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Kinilala ang mga nadakip na sina Edwin Gonzales, 38; Gerardo Ortiz, 28; Edwin Marcos, 42, pawang mga taga-Tondo, Manila at Danilo Sagun, 31, nakatira sa Maypajo, Caloocan City.
Sa report ng Caloocan City Police, nabatid na ala-1:00 ng madaling araw naganap ang insidente sa internet shop ni Roger Alejandro, 45, na matatagpuan sa Martinez st., Maypajo ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na sinira ng mga suspek ang kandado ng naturang internet café at kinuha ang apat na CPU at apat na monitor saka isinakay sa isang L-300 ( WFM-987).
Nagising si Alejandro at tinangkang habulin ang papatakas na mga suspek at tiyempong nakahingi ito ng tulong sa mga nagpapatrulyang mga pulis. Nang galugarin ng mga pulis ang Maypajo ay nakitang nakahinto ang L-300 dahil nakabangga ito ng isang Tamaraw FX sa kahabaan A. Mabini St., sa nabanggit pa ring siyudad.
Agad na nilapitan ng mga pulis ang mga suspek upang dakpin at doon nga nakita sa loob ng sasakyan ng mga ito ang ninakaw na mga kagamitan.
- Latest
- Trending