MANILA, Philippines - Dalawang obrero ang kapwa nasawi makaraang makuryente ang mga ito sa kanilang pinapasukang mga construction site sa magkahiwalay na insidente sa Navotas at Pasay City.
Patay na nang idating sa Tondo Medical Center si Ricky Castillo, 35 ng Daanghari, Navotas City habang bangkay na rin nang madala sa San Juan de Dios Hospital si Rodel Besmonte 24, ng St. Elena St., Brgy. 178 Maricaban, Pasay City.
Sa ulat ng Navotas police, dakong alas-11 kamakalawa ng gabi nang makuryente si Castillo habang nagwewelding ito sa isang bahagi ng ginagawang barko na nakadaong sa Elfa shipyard sa Sipac, Almacen, ng naturang lungsod.
Samantala, nakuryente naman sa tubig-baha sa basement ng ginagawang gusali ng Golden Ray Mart sa FB Harrison st., sa Pasay City si Besmonte dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi. Nabatid na inutusan ang biktima at ang kasamang si Manolo San Juan ng kanilang timekeeper para maglimas ng tubig-baha sa naturang basement.
Hindi umano namalayan ng biktima na sumayad ang kawad ng kuryente sa baha sanhi upang makuryente ito nang buksan ang “on button switch” ng “suction water pump”.