MANILA, Philippines - Nagpalabas ng panibagong warrant of arrest at hold departure order (HDO) ang Quezon City court laban kay Mariano Tanenglian, kapatid ni Tycoon Lucio Tan, at sa pamilya nito kaugnay ng kasong kriminal na isinampa laban sa kanila ng dating kasambahay na si Mary Jane Sollano na nag-aakusang minaltrato siya ng mga naging amo.
Sa 7-pahinang desisyon na ipinalabas noong Mayo 18, 2010 ni QC Regional Trial Court (QC RTC) Branch 102 Judge Ma. Lourdes Giron ipinag-utos nito ang pagpapalabas ng warrant of arrest at HDO laban sa mga Tanenglian matapos mabatid na may batayan ang inihaing limang kaso ni Sollano kaugnay ng paglabag sa Anti-Child Abuse Law (R.A. 7610).
Kabilang sa mga akusadong bababaan ng mga warrant sina Mariano, ang asawa nitong si Aleta, at mga anak na sina Favette at Maximilian.
“In sum, the allegations in the affidavit of the private complainant would reveal that there is more of an abuse or maltreatment committed by the accused against the former,” pahayag ni Judge Giron. Nagtakda ng P80,000 piyansa ang korte para sa bawat kasong naihain laban sa mga akusado.
Sa kabilang dako, ipinawalang-sala naman ni Judge Giron ang mga Tanenglian sa paglabag sa Anti-Trafficking of Persons, kidnapping at serious illegal detention—na pare-parehong hindi napipiyansahang kaso.
Ayon sa hukom hindi umano pinuwersa ng pamilya ang nagrereklamo na mamasukan sa kanila sapagkat nagmula ito sa isang employment agency bago maitalaga sa bahay ng mga akusado.
Wala rin umanong iligal na pagkulong na naganap dahil importante sa isang kasambahay na manatili sa bahay ng kanyang amo.
Nauna na si QC RTC Branch 94 Judge Roslyn Rabara-Tria na nag-isyu ng warrant of arrest at nag-atas na maglabas ng HDO laban sa mga Tanenglian na kaugnay naman sa kasong inihain ng isa ring dating kasambahay na si Aljane Bacanto.