MANILA, Philippines - Nagtapos ang panggagantso ng isang pekeng dentista at dalawang kasamahan nito makaraang madakip sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD), kamakalawa ng hapon sa Marikina City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Isagani Pulido, 43, isang dental technician sa Prosperous Dental Laboratory sa JP Rizal Avenue, Brgy. Lamuan, Marikina; mga helper nitong sina Marvin Soriano, 21; at Arman Carpio, 36.
Sa ulat ni SPO3 Geminer Tingne, ng Criminal Investigation Unit (CIU), unang dumulog sa kanila ang mga opisyal ng Philippine Dental Association (PDA) na kinatawan ni Dr. Ferdinand Reyes at Department of Health ukol sa namonitor na iligal na operasyon ng grupo.
Isang babaeng asset ang nagpanggap na pasyente sa naturang klinika na kunwaring nagpagawa ng pustiso noong Hunyo 2 sa halaga lamang na P700. Agad namang nagbigay ng paunang bayad na P300 ang asset at nagkasundo na ibibigay ang balanse pagtubos ng pustiso.
Naaresto ang tatlong suspek makaraang tanggapin ang P400 marked money buhat sa naturang nagpanggap na pasyente.
Inamin naman ni Pulido ang pagpapanggap nito na dentista at sinabing wala siyang lisensya para gumawa ng mga pustiso at magbunot ng ngipin.