MMDA nakiisa rin kontra sa paninigarilyo
MANILA, Philippines - Habang umiinit ang diskusyon ukol sa paninigarilyo ni president apparent Benigno “Noynoy” Aquino III, nakiisa rin ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kontra dito sa paglulunsad ng programa para gawin umanong “100% smoke free” ang Metro Manila.
“We have been reminding over and over again that cigarette smoking kills. The government has long been campaigning against this addictive and wasteful vice,” ayon kay Chairman Oscar Inocentes.
Ilulunsad ng MMDA sa pamamagitan ng Health, Public Safety and Environmental Protection Office sa pamumuno ni Dra. Maria Rosarita Siasoco ang 2-taong kampanya na pinamagatang, “Enforcement of a 100% Smoke Free Environment Policy in Metro Manila” na layong gawing “smoke free ang Kamaynilaan sa taong 2012.
Pinondohan ng P9.5 million grant ang proyekto ng Bloomberg Philantrophies na nakabase sa New York, USA.
Ipinaliwanag ni Siasoco na mahigpit nilang ipatutupad ang Republic Act 9211 o “Tobacco Regulation Act” sa buong Metro Manila na nagbabawal manigarilyo sa mga pampublikong lugar kabilang na ang mga pampublikong sasakyan.
Uumpisahan ito sa pamamagitan ng pagpapatupad mismo sa loob ng compound at gusali ng MMDA sa Makati City.
- Latest
- Trending