MANILA, Philippines - Maghahain ng courtesy resignation si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan kay incoming President Noynoy Aquino sa Hunyo 30 kahit na aprubahan ng Kongreso ang proposed Philippine Immigration Act of 2009.
Sinabi ni Libanan na maghahain siya ng courtesy resignation sa bagong Pangulo upang mabigyan umano ito ng pagkakataon na pumili ng nais niyang maging susunod na commissioner na siyang magpapatupad ng nabanggit na bagong batas.
Inaasahang raratipikahan sa Senado at Kongreso sa bicameral conference committee ang bagong immigration act bago mag-adjourn ang session.
Nakasaad sa nasabing batas na pinapalawig nito ng isang taon ang incumbent BI commissioner at dalawang associate commissioners bilang transition period upang magawa ang implementing rules and regulations.
Ang pahayag ni Libanan ay bilang reaksyon sa lumabas sa mga pahayagan na palalawigin ng Kongreso ang panunungkulan ng mga opisyal ng BI sa pamamagitan ng “midnight legislation”.
“Let me assure my former colleagues in Congress that I will submit my courtesy resignation to the next president to dispel insinuations that this bill was only designed to prolong my stay in the bureau,” ayon pa kay Libanan
Nilinaw pa ni Libanan na tatlong taon nang nakabinbin sa Kongreso ang nasabing batas at dumaan na rin ito sa mahabang debate at deliberasyon bago naaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.