Saksak bayad sa basurero sa pautang na P50

MANILA, Philippines - Saksak sa dibdib na naging sanhi ng kanyang kamatayan ang ibinayad sa isang basurero ng kapwa niya basurero na sinisingil ng una sa utang na P50 sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Si Gerry Lopez, alyas Tangkad, ng Brgy. Immaculate Concepcion sa lungsod ay agad na nasawi matapos na magtamo ng malalim na saksak sa dibdib.

Ang suspect na nakilalang si Michael ay pinaghahanap na ng awtoridad matapos na tumakas matapos ang insidente.

Ayon kay PO3 Pascual Fabreag, ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police, patunay lamang ito na bawat sentimo ay mahalaga sa tulad nilang mangangalakal ng basura kaya ganon na lang ang kagustuhan ng biktima na singilin ang suspect pero ito pa ang nangahas na magalit at manaksak.

Nangyari ang insidente sa may Monte de Piedad St., Brgy. Commonwealth ganap na alas-3:20 ng hapon.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspect nang magalit ang huli makarang singilin ng una sa 50 piso nitong pagkakautang sa kanya.

Sinasabing sa inis ng biktima ay dumampot ito ng bato at pinukol ang suspect ngunit hindi ito tinamaan. Nakadampot naman ng martilyo ang suspect at pinukpok sa likod ang biktima na kahit sugatan ay nagawang makatakbo papalayo.

Ilang sandali, bumalik ang biktima na armado ng gunting kung saan nakaabang naman ang suspect na armado naman ng kutsilyo saka nagpambuno ang dalawa. 

Sa papambuno ay natamaan ng suspect ang biktima sa dibdib, dahilan upang agad na bumuwal ito sa lupa at masawi.

Agad namang tumakas ang suspect makaraan ang nasabing insidente.

Show comments