MANILA, Philippines - Isang barangay tanod ang nasawi, habang dalawang kasamahan nito ang sugatan maka-raang mauwi sa pamamaril ng isa pa nilang kasama-han ang masaya nilang inuman dahil sa pagtatalo sa sinuportahan nilang kandidato sa pagka-barangay captain sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Eladio Arafiles, 47, miyembro ng Barangay Security and Deve-lop-ment Officer (BSDO), ng Roque Com-pound, Mapayapa St., Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Naka-confine naman sa East Avenue Medi-cal Center (EAMC) ang mga sugatang sina Constantino Junasa, 46; at Rene Moreto, 25, binata; kapwa mga BSDO ng nasabi ring brgy.
Ang itinuturong suspect na si Raul Poras, 59, ay pinaghahanap naman ng mga awtoridad.
Nangyari ang insidente habang nag-iinuman ang apat sa may harap ng isang tahanan sa Don Miguel St., corner Don Carlos St., Brgy. Holy Spirit pasado alas-10 ng gabi.
Nagkakasarapan umano sa tagayan ang apat nang mapag-usapan ng mga ito ang pagkatalo ng sinuportahan nilang kandidato na dati nilang barangay captain.
“Parehong supporters ang dalawa ng dati naming barangay captain, eh natalo noong election, sinisisi ng biktima ang suspect kaya na-uwi sa mainitang pagtatalo,” pahayag ng isa sa testigo.
Ilang minutong nagtalo ang nasawi at ang suspect hanggang sa magbunot ng baril ang huli at pinaputukan ang mga kainuman.
Dead-on-the-spot si Arafiles dahil sa tinamo nitong mga tama ng bala sa dibdib, ulo at braso. Habang sina Junasa at Moreto naman ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng kanilang mga ulo.