MANILA, Philippines - Hinihinalang may isang linggo nang patay ang isang 80-anyos na Chinese national na mag-isa lamang na nakatira sa tinutuluyang apartment sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Kilala lamang umano sa lugar ang biktima sa pangalang Loleng Ty, ng 957 Severino St., Sta. Cruz, Manila.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang kuwarto.
Nadiskubre ang bangkay ng lola dahil sa umalingasaw na amoy at nang hanapin ng kanyang mga kapitbahay ang pinagmulan ay doon natukoy na sa bahay ng biktima ito nagmumula. Dahil dito, puwersahang binuksan ang pintuan ng bahay ng biktima at dito na tumambad ang halos naaagnas na bangkay nito. Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng kamatayan ng naturang lola.