MANILA, Philippines - Isang maintainer ng sugal na color game sa nakatayong peryahan sa lungsod Quezon ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng mananaya na hindi matanggap ang pagkatalo.
Ang biktima ay kinilalang si Edgar Reyes, alyas “Iboy Topak”, residente sa Pinatubo St., Brgy. Kaunlaran sa lungsod.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang salarin na mabilis na tumakas makaraan ang insidente.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Turla videoke bar na matatagpuan sa Pinatubo St., corner EDSA, ganap na ala-1 ng madaling-araw.
Bago ito, nagkaroon muna umano ng pagtatalo ang biktima at nasabing suspect matapos na hindi matanggap ng huli na natalo siya sa paglalaro ng sugal na color game.
Ang pagtatalo ay agad na napawi nang magpasyang umalis ang suspect habang ang biktima naman ay nagpunta sa nasabing bar. Habang nakikipag-kuwentuhan ang biktima sa isang Nora Subalisid, may-ari ng bar ay dumating ang suspect na lasing at bigla na lang sinaksak nito ang una, saka mabilis na tumakas.
Naisugod pa ang biktima sa may East Avenue Medical Center, ngunit idineklara din itong patay.