MANILA, Philippines - Tiniyak ni Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte sa mga Muslim na sumugod sa Quezon City Hall kahapon ng umaga na walang magaganap na demolisyon habang siya ang alkalde ng lungsod.
Ang paniniyak ay ginawa ni Belmonte sa harap ng mga protesters na mga miyembro ng United Muslim Association na mariing tumututol sa QC Central Business District Project.
Ayon kay Belmonte, walang naganap na demolisyon sa siyam na taon niyang panunungkulan bagkus ang mga lumipat sa Montalban, Rizal ay boluntaryong umalis sa kanilang mga tahanan partikular ang mga nakatira sa Brgy. North Triangle.
Kaugnay nito, hiniling ni Belmonte sa mga residente na hulihin sa akto ang suspect na nanununog ng bahay ng mga squatters area para siya mismo ang bibitay o hahatol dito.
Nakiusap din ni Belmonte sa mga residente na huwag harangin ang mga nagboboluntaryong lumipat sa Montalban, Rizal.
Una nang tinanggihan ng mga residente doon ang paglipat sa Montalban, Rizal dahil bukod sa maliit ang bahay ay Class-C, malayo at walang pagkakakitaan sa naturang lalawigan.