Pusher, utas sa vigilante

MANILA, Philippines - “’Wag tularan ang adik/pusher na ’to, kung ayaw mong mangyari sa’yo ’to.”

Ito naman ang mga katagang nakasulat sa papel na iniwan ng dalawang armadong lalaki sa katawan ng isang binata matapos na pagbabarilin at mapatay sa Quezon City.

Ang biktima ay kinilalang si Arvin Vargas, 30, ng Katapusan St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.

Iniimbestigahan naman ng Quezon City Police District-Homicide Section, kung miyembro ng vigilante group ang res­pon­sable sa pagpatay sa biktima.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ni SPO2 Rodel Dapat na ganap na alas-5 kamakalawa ng hapon nang mangyari ang insidente sa may harap ng isang burger stand sa Brgy. Commonwealth.

Nabatid sa saksing vendor na si Ronnie Francisco na nagla­lakad ang biktima nang biglang sumulpot ang dalawang armadong lalaki at walang sabi-sabing pinagbabaril si Vargas.

Nang bumagsak sa kanyang kariton ang biktima ay agad itong nilapitan ng mga suspect saka inilagay ang kapirasong papel na nakasulat ang nasabing babala.

Show comments