MANILA, Philippines - Lumikha ng matinding pangamba ang pagsingaw ng “liquefied petroleum gas” buhat sa isang refilling station na pinagkakargahan ng mga taxi malapit sa Manila Domestic Airport sa Pasay City kahapon ng umaga.
Dakong alas-5:30 ng umaga nang maamoy ng mga dumadaan at maging ng mga tauhan ng Manila Auto Gas na nasa kanto ng Domestic Road at Andrews Avenue ang pagsingaw ng gas.
Agad namang iniulat ang insidente sa Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan pansamantalang itinigil ang daloy ng trapiko sa lugar ng Pasay police dahil sa pangamba na biglang sumiklab ang apoy kung may aksidenteng magsisindi ng sigarilyo o anumang aktibidad na magiging sanhi upang sumiklab ang gas.
Hindi naman maipaliwanag ni Christopher Cruz, duty supervisor ng Manila Auto Gas ang sanhi ng gas leak. Ang naturang establisimyento ay nagkakarga ng “auto LPG” sa mga taxi na bumibiyahe sa naturang lugar.
Kaagad namang nag-spray ng tubig ang BFP sa paligid ng gas station upang makontrol ang umaalingasaw na amoy.
Dakong alas-7:20 na ng umaga nang tuluyang makontrol ng mga awtoridad ang pagtagas ng gas makaraang maisara ang pangunahing tubo na nagsusuplay ng gas. Bandang alas-9 na ng umaga naman nang bumalik ang normal na daloy ng trapiko sa naturang lugar.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP sa insidente kung saan posible umanong may kaharaping kaso ang pamunuan ng Manila Auto Gas dahil sa paglalagay sa panganib ang naturang lugar at mga dumaraan dito.