Lim naglagay ng 'No Smoking' sticker sa mga bus, jeep

MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Mayor Alfredo S. Lim ang pagdi­riwang kahapon sa Maynila ng ‘World No Tobacco Day’ para sa taong ito, sa pa­mamagitan ng pagpa­paskel ng ‘No Smoking’ stickers­ sa loob ng mga public utility vehicles (PUVs).

Kasama ang kanyang Chief of Staff na si Ric de Guzman, na siya ring chair­man ng naturang akti­bidad sa lungsod at si City Administrator Jay Marzan, personal na umakyat sa mga bus at jeep kahapon si Lim upang siya mismo ang mag­kabit ng naturang stickers.

Pinaalalahanan niya ang mga tsuper, gayun­din ang mga pasahero na bawal ang paninigarilyo sa loob ng mga pampub­li­kong sasakyan.

Ayon kay Lim, layunin niyang bigyan ng protek­syon ang publiko laban sa masamang epekto ng pa­ninigarilyo, gayundin ang pagsinghot ng ‘second-hand smoke’ o usok mula sa mga naninigarilyo.

Binigyang-diin pa ni Lim ang nakalagay sa sticker na ang sinumang mahuhu­ling naninigarilyo sa loob ng mga PUV ay maha­harap sa multang mula P500 hanggang P10,000.

Pinayuhan ni Lim ang mga driver na mas maka­bubuting pababain na la­mang ang mga gustong mani­garilyo upang hindi na maka­apekto pa sa ibang pasahero.

Ang ‘World No Tobacco Day’ ay ipinagdi­riwang tuwing ika-31 ng Mayo ng World Health Organization, kung saan layunin nito na ipaalala sa publiko ang panganib sa kalusu­gan na dulot ng panini­garilyo.

Show comments