Lim naglagay ng 'No Smoking' sticker sa mga bus, jeep
MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Mayor Alfredo S. Lim ang pagdiriwang kahapon sa Maynila ng ‘World No Tobacco Day’ para sa taong ito, sa pamamagitan ng pagpapaskel ng ‘No Smoking’ stickers sa loob ng mga public utility vehicles (PUVs).
Kasama ang kanyang Chief of Staff na si Ric de Guzman, na siya ring chairman ng naturang aktibidad sa lungsod at si City Administrator Jay Marzan, personal na umakyat sa mga bus at jeep kahapon si Lim upang siya mismo ang magkabit ng naturang stickers.
Pinaalalahanan niya ang mga tsuper, gayundin ang mga pasahero na bawal ang paninigarilyo sa loob ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Lim, layunin niyang bigyan ng proteksyon ang publiko laban sa masamang epekto ng paninigarilyo, gayundin ang pagsinghot ng ‘second-hand smoke’ o usok mula sa mga naninigarilyo.
Binigyang-diin pa ni Lim ang nakalagay sa sticker na ang sinumang mahuhuling naninigarilyo sa loob ng mga PUV ay mahaharap sa multang mula P500 hanggang P10,000.
Pinayuhan ni Lim ang mga driver na mas makabubuting pababain na lamang ang mga gustong manigarilyo upang hindi na makaapekto pa sa ibang pasahero.
Ang ‘World No Tobacco Day’ ay ipinagdiriwang tuwing ika-31 ng Mayo ng World Health Organization, kung saan layunin nito na ipaalala sa publiko ang panganib sa kalusugan na dulot ng paninigarilyo.
- Latest
- Trending