MANILA, Philippines - Umabot sa may 20 kabahayan ang nilamon ng apoy kabilang ang bahay ng isang pulis-Maynila na nakatalaga sa Manila Police District-District Police Intelligence and Operations Unit (DPIOU) sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nasa kahimbingan ng tulog nang sumiklab ang sunog, dakong alas-12:56 ng madaling-araw. Maswerteng walang naiulat na nasaktan o nasugatan bagamat nadamay ang bahay ni PO2 Bong Liangco.
Tinatayang nasa P500,000 ang halaga ng mga ari-ariang naabo, na tumagal ng limang oras habang umabot naman sa ika-5 alarma ang sunog sa bahagi ng Corcuera at Velasquez Sts.
Sinasabing nahirapan ang mga bumbero na agad na apulahin ang sunog dahil sa walang masipsip na tubig sa mga fire hydrant sa lugar.
Dahil dito nagtulung-tulong ang mga residente sa pagbuhos ng timba-timbang tubig upang maapula ang apoy.
Sa isang Boy “Emong” Guillermo sa No. 471 Velasquez st., umano nagsimula ang apoy na mabilis na kumalat sa iba pang kabahayan.