MANILA, Philippines - Patay ang isang taxi driver matapos manlaban sa dalawang holdaper kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Tama ng baril sa leeg ang ikinasawi ng biktimang si William Herrera, 47 ng 176 Sarmiento St., Ext., Brgy. Sta Monica ng nasabing lungsod habang pinaghahanap naman ang dalawang suspect na isa dito ay nakilalang si Ambrocio Ravelo, alyas Jimboy, residente ng Damayan St., Batasan Hills sa lungsod. Si Ravelo ay kinilala mismo ng ilang residente dito.
Ayon kay SPO3 Gerry Abad, ng Homicide Section ng Quezon City Police District (QCPD) natagpuan ang bangkay ng biktima sa may harap ng isang tahanan sa no. 205-C, Damayan St., Batasan Hills ganap na alas-2:10 ng madaling-araw.
Lumilitaw na sumakay ang mga suspect sa taxi ni Herrera na MGE taxi (TXF-469) at nang makarating sa Damayan St. ay nagdeklara ang mga ito ng holdap.
Subalit dahil sa pinaghirapang kita sa magdamag, nanlaban ang biktima kung kayat binaril ito ng mga suspect at saka mabilis na tumakas.
Ayon sa ilang residente, dalawang putok ng baril ang kanilang narinig kung saan nakita nila si Ravelo kasama ang isa pang lalaki na tumakbo palayo sa taxi habang naliligo naman sa kanyang sariling dugo si Herrera.