MANILA, Philippines – Dinakip ng mga operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG) ang siyam na Chinese national kaugnay sa illegal poaching sa Puerto Princesa, Palawan, at pagkumpiska sa embalsamadong sea turtles.
Sa ulat ni PCG Commandant, Admiral Wilfredo Tamayo, nagsuspetsa ang mga tauhan ng PCG na sakay ng MCS-3002, nang mamataan sa karagatan ang barkong pangisda na may body number 05022 na may sakay na siyam na dayuhang mangingisda sa 45 Nautical Miles Northwest ng Ligas Point, Balabac Island, Palawan, dakong alas-4 ng madaling-araw noong Huwebes.
Ibeneberipika pa ang pagkilanlan ng mga dayuhang mangingisda.
Nabatid na habang papalapit ang PCG sa nasabing barko ay nagpatay ng lahat ng ilaw ang mga dayuhan habang minamaniobra ang barko papatakas.
Nang mauwi sa habulan, nakita ng PCG na may itinatapon sa dagat ang mga dayuhan at nang masakote ay ininspeksiyon sa presensiya ng kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Dalawang embalsamadong sea turtles at ilang bote ng hinihinalang naglalaman ng karne ng giant clam ang narekober.
Sinabi ng tumatayong kapitan ng barko na wala silang kasamang crew.
Nakumpiska din ng PCG-BFAR team ang ilang containers ng formaldehyde (formalin) at stuffing materials na ginamit sa embalsamadong sea turtles.
May mga bakas din ng sariwang dugo at kaliskis ng sea turtles sa nasabing barko. (Ludy Bermudo)