India nagpupuslit ng ephedrine sa RP - NBI

MANILA, Philippines – Ibinunyag kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na bukod sa bansang China na source ng mga sangkap sa pag­gawa ng shabu, isa na rin ang India na pinang­ga­galingan ng ephedrine kaya’t patuloy pa rin ang iligal na droga sa bansa. 

Ayon kay Atty. Roel Boli­var, hepe ng NBI-Re­action, Arrest and Inter­diction Division (RAID), ang ephedrine na pangu­nahing sang­kap ng metam­phe­ta­mine hydrochloride o shabu ay ipinupuslit pa­pasok ng bansa mula sa India.

Ani Bolivar, may pana­hon umanong nagpapa­hinga ang mga sindikato ng droga sa iligal na impor­tasyon mula China dahil sa paghihigpit ng mga awto­ridad  kaya ang India naman ang tinatarget na pag-angkatan.

Naging major source na rin umano ang India nang pumutok noong mga naka­lipas na panahon ang “Ke­tamine”, isang droga na gamit ng beterinaryo na ginamit ng tao upang ma­ging ‘high’,  na mula sa India  subalit hindi umano nag-click ito sa Pilipinas at nanatiling in demand umano ang ‘shabu’ dahil maga­ gandang klase uma­no ang naipoprodyus sa Pilipinas.

Isa pa umanong da­hilan kung kaya hindi ma­awat ang iligal na droga sa bansa ay dahil sa ma­habang coastline sa Pili­pinas na may mahigit 7,000 isla, na nahihira­pang ban­tayan ng mga awtoridad laban sa pagpu­puslit ng mga sangkap sa shabu.

Nilinaw pa ni Bolivar na hindi totoong walang gina­gawa ang ahensiya laban sa iligal na droga dahil ilang buwan umano ang ka­nilang preparasyon bago pa sila makapag-develop ng assets at surveillance bago ang drug ope­ration. (Ludy Bermudo)

Show comments