India nagpupuslit ng ephedrine sa RP - NBI
MANILA, Philippines – Ibinunyag kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na bukod sa bansang China na source ng mga sangkap sa paggawa ng shabu, isa na rin ang India na pinanggagalingan ng ephedrine kaya’t patuloy pa rin ang iligal na droga sa bansa.
Ayon kay Atty. Roel Bolivar, hepe ng NBI-Reaction, Arrest and Interdiction Division (RAID), ang ephedrine na pangunahing sangkap ng metamphetamine hydrochloride o shabu ay ipinupuslit papasok ng bansa mula sa India.
Ani Bolivar, may panahon umanong nagpapahinga ang mga sindikato ng droga sa iligal na importasyon mula China dahil sa paghihigpit ng mga awtoridad kaya ang India naman ang tinatarget na pag-angkatan.
Naging major source na rin umano ang India nang pumutok noong mga nakalipas na panahon ang “Ketamine”, isang droga na gamit ng beterinaryo na ginamit ng tao upang maging ‘high’, na mula sa India subalit hindi umano nag-click ito sa Pilipinas at nanatiling in demand umano ang ‘shabu’ dahil maga gandang klase umano ang naipoprodyus sa Pilipinas.
Isa pa umanong dahilan kung kaya hindi maawat ang iligal na droga sa bansa ay dahil sa mahabang coastline sa Pilipinas na may mahigit 7,000 isla, na nahihirapang bantayan ng mga awtoridad laban sa pagpupuslit ng mga sangkap sa shabu.
Nilinaw pa ni Bolivar na hindi totoong walang ginagawa ang ahensiya laban sa iligal na droga dahil ilang buwan umano ang kanilang preparasyon bago pa sila makapag-develop ng assets at surveillance bago ang drug operation. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending