MANILA, Philippines - Patay ang isang 27-anyos na electrician nang saksakin ng isang ’di nakilalang suspek sa mismong lamayan sa patay sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling-araw. Tuluyang binawian ng buhay sa Dr. Mirando Medical Center ang biktimang si Chester Mendoza alyas “Bok”, binata, ng Interior 5, Road 2, V. Mapa, Sta. Mesa, Maynila bunga ng tinamong mga saksak sa katawan. Tinutugis pa ang suspek na umano’y estranghero o dayo lamang sa lugar. Naganap ang insidente dakong alas-2 ng madaling-araw sa harapan ng bahay sa 3992 Interior 32, V. Mapa Sta. Mesa. Nabatid na matapos mag-inuman ang biktima, kasama ang kaibigang si Joseph Ogena, isang alyas “Ulo” at isa pang alyas “Duroy” nang mapuna umano ni Ogena ang isang lalaki na paikot-ikot at tila may hinahanap. Nang sitahin ni Ogena ang suspek ay nagsabi ang huli na may hinahanap siyang isang alyas “Glen”. Nang papalapit naman ang biktima upang umusyoso, agad umanong nagbunot ng patalim ang suspek at walang sabi-sabing inundayan ng mga saksak ang biktima. Ayon sa mga kaibigan ng biktima, inakala umano ng nasabing suspek na ang paglapit ng biktima ay pagtutulungan siyang bugbugin kaya inunahan na nito nang pananaksak.